Nung kabataan ko (ako ay beinte siete anyos na) nakahiligan kong gumuhit. Lahat ng maisipan kong bagay ay iginuguhit ko sa papel maging sa dingding! Katunayan, may mga bakas pa ng guhit ng krayola, chalk, lapis at pinatulis at pinitpit na tansan sa mga batong pader ng aming munting tahanan.
Dahil sa kahiligan ko sa pag-guhit na nakita ng aking ina, madalas nya akong bilhan ng sari saring pangkulay. Natutunan ko sa murang edad ang mga pangalan ng mga ito.. pula, asul, berde, puti, itim, dilaw, at brown, ngunit natatangi sa aking paningin ang pula. At dahil dito karamihan saking mga sariling likha ay kinulayan ko ng pula. Ibon, puno, tubig at kalangitan. Mula sa malamlam na kulay hanggang sa matapang. Sayang lamang at hindi ko naisalba ang mga luma kong ginuhit na nasama sa kalat na naitapon mula sa dumi ng aming tahanan.
Minithi kong maging isang manguguhit dahil sa kahiligan ko sa kulay. Minahal ko ang mga tanawin mula sa bintana ng aming tahanan. Masarap kong nilasahan ang pangarap na balang araw ay maiguguhit ko ang ganda ng kalikasan. Ngunit ang pangarap na ito ay mananatiling pangarap na lamang.
Hindi ko na naipagpatuloy ang pagguhit at hindi narin ito napagbunga. Dala narin ng kinalakihang kapaligiran, napagtanto ko na upang matakasan mo ang dagok ng pait ng buhay, kailangan mong pansamantalang itabi ang mga pangarap mo para sa iyong sarili.
Pangarap na kakamtamin ko pagdating ng tamang oras…
“Don’t stop believing” – Journey
No comments:
Post a Comment