Wednesday, November 11, 2009

Isang Malalim Na Buntong Hininga

Nalulungkot ako..

Ewan ko ba. Makalipas ang mga nagdaang linggo ng pagsubok sa aming bansa, tulad ng sunod sunod na pag ulan at pag baha, sakit at kung ano ano pa, akala ko makakabawi na ako. Hindi pala.

Hapo parin ang aking katawan, aking isip pati narin ang puso.

Idagdag pa ang mga problema sa pamilya.

Pagsubok nga talaga, kung dumating tuloy tuloy.


"Sa mga ulap nakatago ang araw."

Friday, October 2, 2009

Alam Mo Na Ba?

"Pst! Oo, ikaw nga! Halika may sasabihin ako..."

"Alam mo ba si ano? Oo yung nang-ano dun sa ano? Oo sya nga!"

Tunog pamilyar ba? Ganito ang simula ng araw ng mga taong ang hilig ay pag-usapan ang buhay ng may buhay. Nakakatawa ngunit madalas nakaka-inis. Nakakawala ng sigla ng buhay.

Lahat ng angulo sa isang simpleng bagay patungkol sa taong bida sa kwento ay nahuhukay. Ganito sa mundong aking ginagalawan. Kakampi na sa katawan ng bawat isa ang tsismis. Ang pagusapan at pagtungkulan ng masasamang bagay ang isang taong hindi kasangga. Ang nakaalitan ng isa, kaaway ng lahat. Parang "Sorority at Fraternity", yun nga lang dito wlang hazing. Basta mabulaklak ang iyong dila, kaisa ka na. Basta't may bagong balita ka, kaisa ka!

Madalas kong pagnilayan kung ano ang mga maaring dahilan ng ganitong gawain ng isang tao. Unang pumasok sa aking isipang ang "kakulangan sa sarili", maaring unang dahilan kung bakit mas minabuti ng lang ilan na pag-usapang ang pangit o kahit anong bagay patungkol sa iba upang hindi mabaling ang atensyon ng karamihan sa kanya. Pangalawa ang "problemang pampamilya", maaring sa magulang, kapatid o asawa at anak. Upang hindi mabunyag at mahalangkat ng mga taong kagaya nila ang baho at problemang meron sila sa kanilang pamilya. Panghuli ang "Inggit". Kahilintulad ng kakulangan sa sarili, ang inggit na marahil ang pinaka mabigat na dahilan ng tsismis. Mga taong hindi masaya sa tinatamasa ng iba.

Ikaw? May sasabihin ka?

Tuesday, September 29, 2009

Ulan Ulan Ulan - Ondoy

Pasintabi sa mga naligaw dito sa aking munting mundo. At salamat sa mga kaibigan na patuloy na bumibisita kahit hindi nag iiwan ng komento :) mahal ko kayong lahat. <kapayapaan>

Ipag paumanhin at natagalan bago ako muling nakapagsulat ng akda sa aking "blog". Maraming pangyayari ang napalagpas. Ngunit pipilitin kong maihabol kung ano man ang maari pang maihabol. Iwanan muna natin ang magulo kong buhay sa loob ng opisina. Malayo sa personal na isyu laban sa aking mga ka-mangagawa, sa aking bisor at sa aking sarili.

Nitong nagdaan araw, Sabado, nadama ko at ng sambayanang Pilipino ang pait na pinatikim ng ating Inang Kalikasan. Marami ang nasalanta, nawalan ng tirahan, ng mga ari-arihan at ng mismong mahal sa buhay. Nakakalungkot at kalunos-lunos pag masdan na ang dating matao at puno ng mga sasakyan na lugar ay nagmistulang karagatan. Ako naman ay lubos na nag papasalamat sa Maykapal na ang aking pamilya ay hindi masyadong naapektuhan ng malungkot na pangyayari di kahalintulad ng maraming mamamayan na aming nakita sa Telebisyon at napakingan sa Radyo.

Ilan sa mga larawang aking nakalap:







Oo! Yan si Kristine Reyes na isa sa matinding naapektuhan ng nagdaan kalamidad. Ito ay patunay lamang na sa hagupit ni Inang Kalikasan, lahat ng tao ay pantay pantay.

Lahat tayo ay may kontribusyon sa trahedyang naganap. Ngunit hindi na makakabuti ang magsisihan. Sama sama tayong magdasal at nawa'y madatnan ng suporta ng ating pamahalaan ang mga lubos na nangangailangan ng tulong at suporta.

Wednesday, September 23, 2009

Hapong Katawang Lupa

Magdrama muna ako

"Napapagod ang aking katawan, ang aking isip, ang aking puso. Nais kong kumawala sa hawlang kinasasadlakan ko ngayon. Mahirap, malungkot. Puno ako ng paninibugho sa mga bagay na lihis sa aking kagustuhan. Mahirap ang maging kaisa!

Simula palang minithi ko na ang mapabilang sa karamihan kahit ang mapabilang sa mga ito ay labag sa aking kalooban. Kailangan ko sila. Kailangan kong sumapi upang maki-ayon sa takbo at laro ng buhay.

Daig ko pa ang isang bubwit, patago kung kumilos upang di mapulaan. Mahirap maging ako, kung ang pagiging ako ang magiging sanhi upang mapalihis ako sa karamihan. Hindi ito masaya. Hindi ito ang aking nais. Hindi ako, ako!"

Pangit pala ang maging madrama :D

Saturday, September 19, 2009

Sabado

Umaga.. walang pasok. Una sa tatlong araw na magkakasunod na malayo sa magulong mundo ng call center agents. Mabuti naman at naragdagan ng isang araw ang pahinga ko. Kakagising ko lang. Napagod sa magdamag na panonood ng pelikula.

Kumakalam na ang sikmura ko pero wala pa akong balak lumabas ng kuwarto upang mag hagilap ng makakain sa kusina. Tiyak ko namang nakapagluto na ang aking mga kasama at na-ipagtabi narin nila ako ng ulam. Kagabi pa ako nag-iisip ng maaring gawin ngayong araw, maliban sa pagtulog. Kailangan ko namang ipagpag ang aking katawan para hindi ako tamarin.

Naisip kong makipaglaro na lamang sa aming alagang aso. Pero katulad ko, lagi rin siyang natutulog, mana ata sa mga amo.. hahaha. Makiki-kapit-bahay nalang ako mamaya. Dadalaw sa mga dating kamag-aral, alam kong nananabik na rin silang makakwentuhan ako.. ganun din ako sa kanila. Matagal tagal narin kami ng huling nagkita. Ang ilan sa kanila, may kanya kanya nang pamilya.. ang mangilan-ngilan naman ay nananatili paring nag iisa.. katulad ko.

Nanabik na naman ako sa kape. Ito ang sustansya naming mga "agent". Magtitimpla nalang muna ako at mag-iisip habang umiinom.

Friday, September 18, 2009

Biyernes

Biyernes na naman..pero parang lunes parin sa loob ng opisina.

Muntik na naman akong mahuli sa pag pasok sa trabaho dahil sa napasarap ang aking tulog. Binalak ko na ngang hindi pumasok, pero naisip ko na tatamarin lang rin naman ako pag tumambay ako sa bahay. Wala naman akong madalas gawin dun kundi matulog, kumain, manood, mag browse ng kung ano ano sa internet. Madalas nakakasawa na ang paulit ulit na gawain.

Katulad din dito sa opisina.. paulit-ulit. Papasok, uupo sa work-station mag lo-log-in sa iyong telepeno, magbubukas ng mga applications, ng mga file at maghahanda sa pagtanggap ng mga tawag. Isama pa diyan ang walang humpay na ingay ng mga katabi mong tila may sariling mundo kung mag-usap. Nakakatulig, masakit sa tenga, pero ano nga ba ang magagawa ng isang simpleng mangagawa na katulad ko?

Ayaw kong mamahiya ng tao, itunuro sa akin yan ng mga magulang ko. Ngunit naglalaro ang aking masamang imahinasyon sa mga bagay na makakapag pahinto sa mga nilalang na ito. Kung nagkaroon lang sana ng "volume controller" ang mga tao tulad ng radyo, telebisyon at telepono, di sana'y madali ko nang napahinto ang mga mga ganitong klaseng tao.

Mabuti at huling araw na ng pasok sa linggong ito. Makakapahinga ang tenga ko ng mahaba-habang araw. Salamat at nagpapalapad na naman ng papel ang kasalukuyang Pangulo ng mahal kong bansa at nadagdagan ang walang pasok sa susunod na linggo.

Thursday, September 17, 2009

Paunang Pasasalamat

Nag papasalamat ako sa aking mga kaibigan na tumugon at tutugon sa aking panawagan na bumisita sa aking munting mundo. Alam kong kayo lamang ang tunay na nakakaalam ng nilalaman ng aking puso.

Sa kung sino ako,

At kung ano ako.

Salamat…

Wednesday, September 16, 2009

Pangarap

Nung kabataan ko (ako ay beinte siete anyos na) nakahiligan kong gumuhit. Lahat ng maisipan kong bagay ay iginuguhit ko sa papel maging sa dingding! Katunayan, may mga bakas pa ng guhit ng krayola, chalk, lapis at pinatulis at pinitpit na tansan sa mga batong pader ng aming munting tahanan.

Dahil sa kahiligan ko sa pag-guhit na nakita ng aking ina, madalas nya akong bilhan ng sari saring pangkulay. Natutunan ko sa murang edad ang mga pangalan ng mga ito.. pula, asul, berde, puti, itim, dilaw, at brown, ngunit natatangi sa aking paningin ang pula. At dahil dito karamihan saking mga sariling likha ay kinulayan ko ng pula. Ibon, puno, tubig at kalangitan. Mula sa malamlam na kulay hanggang sa matapang. Sayang lamang at hindi ko naisalba ang mga luma kong ginuhit na nasama sa kalat na naitapon mula sa dumi ng aming tahanan.

Minithi kong maging isang manguguhit dahil sa kahiligan ko sa kulay. Minahal ko ang mga tanawin mula sa bintana ng aming tahanan. Masarap kong nilasahan ang pangarap na balang araw ay maiguguhit ko ang ganda ng kalikasan. Ngunit ang pangarap na ito ay mananatiling pangarap na lamang.

Hindi ko na naipagpatuloy ang pagguhit at hindi narin ito napagbunga. Dala narin ng kinalakihang kapaligiran, napagtanto ko na upang matakasan mo ang dagok ng pait ng buhay, kailangan mong pansamantalang itabi ang mga pangarap mo para sa iyong sarili.

Pangarap na kakamtamin ko pagdating ng tamang oras…


“Don’t stop believing” – Journey

Tuesday, September 15, 2009

Helo Telefon...

Maaring ang ilang ay nakikipagsabayan at nangangarap na tahakin ang buhay ng isang “call center agent”.. di nga ba?

Ayon narin sa mga nakakausap kong mga kabataan na kasalukuyang ginugugol ang mga importanteng oras sa kanilang pag aaral at mga pailan ilang ginugugol ang mga mahahalagang oras sa mga walang katuturang bagay, ay nag nanais na pasukin ang ganitong hanapbuhay. Karamihan sa kanila ay may mga kaibigan o di kaya’y mga kilala na ganito ang hanapbuhay… at kaisa ako sa kanila.

OO. isa ako sa malaking porsyento ng mangagawa na nasa ganitong propesyon. Masaya ba? Impokrito ang magsabing OO. Bagamat aaminin ko na may isang bahagi ng katauhan ko ang nangarap na manatili sa ganitong trabaho… ang kadahilanan? “Above Average” na sweldo.

Sa estado ng pamumuhay sa pilipinas… ang tumangap ng halagang 15,000 or 12,000 (bawas na ang tax na para sa mga buhaya ng gobyerno) ay malaking halaga ng maituturing. Mas malaki pa kaysa sa mga bisor ng mga tinatawag nating “fast food chains” at mga guro sa mga paaralan. Kaya sino ang tatanggi sa trabahong katulad nito?

Nakakalungkot lamang na naisasantabi ng mga nilalang na ito ang kanilang mga pangarap sa buhay. Mga taong nangarap na mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga minamahal…


“I dream a dream”

Bagong Buhay

Oo.. at hindi!

Hindi ko naman ninanais na magbago sa kung ano ang meron at wala ako sa ngayon. Ang ibig ko lamang sabihin.. pagbabago sa mga kinagawian kong gawain sa pang araw araw. Magsimula akong magsulat patungkol sa mga nadarama ko sa aking kapaligiran. Ito ang aking “Bagong Buhay”.

Nakakagalak ang magkaron ng bahagi sa mundong kina-aaliwan ng karamihan.. ang blog. At ngayon, Kaisa na ako sa parte ng makabagong teknolohiya.

“Pagbabago tungo sa ikauunlad ng lahat ay nagsisimula sa iyong sarili…”